PARA SA ORDINARYONG MAMAMAYAN!

Trillanes: 'Presidente ang inihalal ng mga tao, 'di komedyante tulad ni Duterte'


Binanatan ni Senador Antonio Trillanes IV ang depensa ng Palasyo na nagbibiro lang si Pangulong Rodrigo sa pag-amin ng huli na extrajudicial killings o EJK lang ang tangi niyang kasalanan at 'di siya nagnakaw sa kaban ng bayan.

"Ang hinalal ng mga kababayan natin ay Presidente, hindi komedyante, hindi puwedeng kapag bulilyaso, ang sasabihin e joke lang," sabi ng senador sa pulong balitaan nitong Biyernes.


Ang pahayag ni Trillanes ay kaugnay sa pagdepensa ni Presidential spokesperson Harry Roque, na nagbibiro lang ang pangulo sa sinasabing hindi siya "nagnakaw sa kaban ng bayan at EJK lang ang tanging kasalanan" nito.


"Ano kasalanan ko? Nagnakaw ba ako diyan ni piso? Did I prosecute somebody na pinakulong ko? Ang kasalanan ko lang 'yung mga extrajudicial killing," saad ng pangulo sa kaniyang nakaraang talumpati sa harap ng mga bagong itinalagang opisyal sa gobyerno.

Gayunman, sinabi ng pangulo na walang ebidensiya na mag-uugnay sa kaniya sa mga patayan.

"4,000 deaths. When? Where? How? What did I use? Wala," dagdag pa niya.


Sa isang panayam sa radyo, sinabi ni Roque na hindi naman seryoso ang pangulo sa naturang pahayag sa EJK.

"Hindi na naman iyan seryoso 'no. Sinasabi lang niya 'yan, kasi nga palaging sinasabi 'yan ang ginagawa niya ano. Pero it's also na dinidiin lang niya na talagang hindi siya nagnanakaw, pero I don't think na ang konteksto niyan ay literal," paliwanag ng opisyal.

"Tingin ko po, iyan ay hina-highlight niya na never, never siyang nagnakaw. Pinupulaan siya ng EJK pero hindi po siya napupulaan na magnanakaw siya," patapos pa ni Roque.


Pero para kay Trillanes, lumalabas umano ang tunay na saloobin ni Duterte sa mga "unguarded moment" at pagtatakpan na lamang ng Malacañang kinalaunan at sasabihing nagbibiro lang ang pangulo at hindi dapat seryosohin.


“Those remarks uttered in unguarded moments, ‘yun ‘yung mga  bits of truth na lumalabas dito kay Duterte. Madalas itong nagsisinungaling pero ‘yung mga ganyang unguarded moments d’yan lumalabas ‘yung kaniyang saloobin,” anang senador na pangunahing kritiko ni Duterte.



“They cannot get away with that alibi anymore kasi  30,000 Filipinos na ang namatay at hindi ‘yan biro, pakisabi kay Mr. Roque. Marami ang ebidensya dito na umaapaw. In fact, even the policemen for sure marami ang magtetestigo diyan,” dagdag niya.

Kasabay nito, nanawagan si Trillanes sa International Criminal Court na bilisan ang imbestigasyon sa inihaing mga kaso laban kay Duterte kaugnay ng umano'y extrajudicial killings sa bansa.


“That admission will be taken seriously by the International Criminal Court. So in this same vein, I would like to take this opportunity to call on the ICC to expedite the investigation of the crimes against humanity committed by Mr. Duterte against the Filipino people,” giit ni Trillanes.

Source: GMAnews/Balitambayan
Trillanes: 'Presidente ang inihalal ng mga tao, 'di komedyante tulad ni Duterte' Trillanes: 'Presidente ang inihalal ng mga tao, 'di komedyante tulad ni Duterte' Reviewed by Bayan Ko on Friday, September 28, 2018 Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.